Wednesday, January 14, 2009

Gerry Peñalosa, isa sa mga pumapatay sa boksing

Ang boksing ba pera-pera lang o isang sports?

Napaka-obvious ng sagot, pero para sa ilang lokal na promotor natin, maaaring pera-pera lang ang boksing. Ito ang gustong sabihin ng batikang komentarista sa larangan ng boksing na si Ronnie Nathanielsz, sa kanyang sinulat na lumabas sa pahayagang Manila Standard Today noong Enero 13.

Pinapatay daw ng Games and Amusement Board at ng mga promotor na lokal ang boksing.

Binigay na halimbawa ni Nathanielsz ang laban noong Linggo na nangyari sa Araneta Coliseum. Si Sonny Boy Jaro pinakalaban kay Ruslee Samoh, isang Thailander, at si Denver Cuello kay Yanus Emuary ng Indonesia.

Si Jaro na may record na 29-7-5, 18 ang knockout, ay pinakalaban kay Samoh na walang ni isang record sa loob ng boxing ring. Si Cuello naman na may record na 15-2-5, 7 ang knockout ay pinakalaban kay Yanus Emuary na merong 6-4-1, 3 ang knockout.

Ang resulta, tulog si Samoh sa unang round palang, samantalang si Emuary ay tulog sa 2nd round.

Nakikita ni Nathanielsz na kung di aayusin ng GAB at ng mga promoters ang kanilang trabaho, manaknock-out ang boxing pagkatapos magretire si Pacquiao.

Peñalosa

Sinabi ko noon isang Linggo na mapanganib sa pangalan ni flyweight champion Nonito Donaire ang kanyang pagsanib-pwersa kay World Boxing Organization bantamweight champion Gerry Peñalosa. Nagpahayag kasi si Donaire na si Peñalosa ang mag-eensayo sa kanya sa laban niya kay Jose “Carita” Lopez ng Puerto Rico sa Marso 15 na gaganapin din sa Araneta Colesium.

Sinabi ko na hindi maganda ang reputasyon ni Peñalosa. Nagkaroon siya at Golden Boy Promotions, na kanyang promoter, ng tampuhan kaya ayaw nga sana makausap ni Peñalosa ang GBP noong ibalita sa kanya na inaayos na ang laban niya sa matagal na niyang gustong kalabanin na si Juan Manuel “Juanma” Lopez.

Marahil ang ugat ng tampuhang ito ay ang di pagpayag ni Peñalosa na lumaban noong 2007 dahil maliit daw ang kanyang iuuwing purse money.

Kaya noong sabihin kay Peñalosa ang posibleng laban niya kay Lopez, mas gusto niyang kausapin si Bob Arum ng Top Rank promotions. Kaya kinailangan pa siyang pagsabihan ni Ronnie Nathanielsz na wala siyang choice kaya napilitan siyang kausapin ang GBP. "It was only when we explained that he had no choice because his hopes that Arum would sign him up were misplaced and he may wind up without a fight, that he agreed to call Golden Boy Promotions." sabi ni Nathanielz.

Kung papansinin, may bahid ng pagka-irita ang mga salitang iyon ni Nathanielz. Isipin mo sabihan ka ng "wala kang choice...your hope is misplaced". Kung sa atin pa, para bang sinasabi (patawad po, Sir Ronnie) ni Mr. Nathanielsz na: "Ano, ba? Bakit ang tigas-tigas ng ulo mo...?"

Dagdag na bad record ni Peñalosa

Sa column na binanggit kanina, iniugnay ni Ronnie Nathanielsz ang nangyari noong linggo sa laban ni Philippine No. 1 featherweight Michael Fareñas noong Oktobre at nitong Disyembre kung saan kaawa-awang binugbog ni Fareñas ang mga kalaban niya.

Ang dahilan? Basta nalang makapromote at kumita ang mga promoter. Hindi bale ng mabugbog at maaaring ikamatay ng mga banyagang hindi kasing galing ng mga kalaban nilang Pinoy.

At, hulaan niyo kung sino ang nagpromote ng dalawang laban na iyon ni Fareñas?

Tama! Si World Boxing Organization bantam weight champion Gerry Peñalosa.

Ngayon, nadagdagan na naman ang record kong hindi maganda tungkol kay Peñalosa.

Pasintabi

Magtataka si Peñalosa, bakit mukhang galit na galit ako sa kanya? Bakit binabanatan ko siya? Di naman ako nagboboksing, di naman ako sikat, sino ba itong kulokoy na ito na banat ng banat sa akin, langaw sa ulo ng kalabaw?

Wala naman akong galit kay Peñalosa. Sobrang disapointed lang ako talaga sa kanya. Ang boksing ay isang sports, hindi LANG pera-pera. Bilang isang fan ng boksing, ako siyempre nagmamalasakit sa sports na ito. Bilang isang world champion, dapat isa si Peñalosa sa mga nangangalaga sa sports na ito. Iniingatan ang reputasyon ng boksing; inaalagaan ang sports na nagligtas at patuloy na nagliligtas sa mga kabataang nalululong sa droga o ano mang masasamang bisyo; ang sports na umahon sa mga tulad niya sa kahirapan; ang sports na nagpadakila sa katangian na taglay ng isang Manny Pacquiao.

Ang batikang komentarista sa boksing na si Ronnie Nathanielsz na mismo ang nagsabi. Sa halip na gawin ang mga nabanggit, pinapatay ng mga tulad ni Gerry Peñalosa ang boksing.

No comments:

Post a Comment