Kakasulat ko lang kahapon tungkol sa pagpatay sa boksing dahil sa pera. Ngayon, meron na namang panibagong hindi magandang balita mula sa only boxing news source ko na si Ronnie Nathanielsz.
Nalalathala sa Manila Standards Todays ngayong araw ang tungkol sa maaaring pagsampa ng kaso ng kampo ni Ricky Hatton laban kina Manny Pacquiao dahil umano sa mga pahayag ng Abogado ni Pacquiao na si Franklin "Geng" Gacal. Sinabi ni Gacal kay Dyan Castillejo ng ABS-CBN pagdating na pagdating ni Manny noon Lunes ng umaga, na luyag nila ay 60-40 split. Ibig sabihin, 60 porsyento ng kita ang mapupunta kay Manny at 40 porsyento lang ang mapupunta kay Ricky.
Wala naman sana itong problema kung ang kampo ni Manny, Ricky, ang Golden Boy Promotions na promotor ni Ricky, at ang Top Rank na promotor ni Manny, ay hindi pa nagkasundo sa 50-50 split. Masaya naman daw noon si Manny sa naging kasunduan, sabi ng Bob Arum.
Kahit sabihin natin na verbal agreement lang iyon, binding parin iyon sa mga partido at naniniwala ako na pweding-pwedi talaga sampahan ng kaso si Manny, either para kanselahin ang kontrata, o di kaya'y pilitin si Manny na lumaban kay Ricky. At kahit saan doon sa dalawa, kung mangyari, maaring magbabayad si Manny ng milyong-milyong halaga para sa danyos.
Ayon kay Bob Arum, ang nagpasama lang sa usapan ay ang pahayag ni Gacal at ni Rex "Wakee" Salud na 65-35 split ang nararapat kay Pacquiao, samantalang wala naman ang dalawa noong nangyari ang negosasyon.
Hindi kaya ginagawa ito ng dalawa, lalong-lano na ni Geng Gacal na abogado ni Manny, dahil luyag lang niyang protektahan si Manny?
Nakakapagtataka nga. Bakit nangyari ang negosasyon na wala ang abogado ni Manny? Sino ang kasama ni Manny sa negosasyon?
Ayon kay Bob Arum, umaasta ng ganyan (nagbibigay ng ibat-ibang interview sa ibat-ibang istasyon o pahayagan ng dyaryo o TV) si Gacal para masigurado ang malaking bayad kay Pacquiao.
Pero, bumabalik talaga ang tanong: bakit nagkaroon ng negosasyon na wala ang abogado ni Manny? Sino ang kasama ni Manny sa negosasyon?
Mga tanong na dapat yata hanapan ng only source ko ng mga sagot.Ayon sa ulat ng only source ko, pinapahiwatig ni Arum na kung hindi magkaroon ng kasunduan tungkol sa 50-50 split, maaring hindi mangyayari ang bakbakan nina Pacquiao at Hatton. "He told Lance Pugmire of the Los Angeles Times he could care less". Kung sa atin pa, parang sinabi ni Arum: "Sige, magiinarte kayo, di natin itutuloy ang labang ito. Bahala kayo. Wala akong pakialam."
Noong ininterview ng British Broad Casting (BBC) si Gareth Williams, abogado ni Hatton, sinabi nito na bahala si Gacal kung paano niya lulusutan ang problemang ito. Ang pagkakaalam lang daw ni Gareth, nagkaroon na sila ng kasunduan na 50-50 lang ang split, at hindi na sosobra pa doon; at kung makarating na daw sa kanya ang balita na opisyal ng kinansela ang kontrata, magsasampa na lang daw siya ng kaso.
Sabi ni Ray, tatay ni Hatton, at Gereth, naging madali naman daw silang kausap simulat-simula pa. Noong una, luyag nilang sa Britanya isagawa ang laban kung saang siguradong magkakaroon 100,000 fight fans, pero pinagpaliban daw nila ito dahil narin sa paki-usap ng Top Rank, Golden Boy, at ng ibat-ibang telebisyon network sa America na sa Las Vegas na gaganapin ang laban.
Noong una, hiningi din daw nila na sa katapusan na ng Mayo isasagawa ang laban pero pumayag na rin daw sila sa Mayo 2.
Pwede naman daw na nagmayabang sila at pinilit na ang gusto nilang lugar at petsa ang masusunod dahil mas marami silang mahahakot na pera, pero di daw nila ginawa dahil mas inisip nila na patas lang ang kontribusyon ng bawat isa.
Inamin ni Williams na si Manny ay mahusay na mandirigma, pinapanood ng marami, at kilala bilang numero unong pound for pound na bosidor sa buong mundo na luyag kalabanin ni Hatton. Pero, alam naman daw nila na hindi pangkaraniwang kalaban si Hatton na makakalaban ni Pacquiao dahil si Hatton ang magdadala ng pera mula sa ibat-bang telebisyon sa Britanya at mula sa napakaraming British fans. Kaya daw, kung pera ang pag-uusapan, mas malaki ang mahahakot ni Hatton."
Parang di ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko dito dahil ang balitang ito'y sinasapawan ng mga tanong na sa tingin ko kasing importante ng usaping ito: bakit nagkaroon ng negosasyon na wala ang abogado ni Manny? Sino ang kasama ni Manny sa negosasyon?
Subalit, kung naitatanong natin ito, para narin natin pinagdudahan ang integridad ni Bob Arum na promotor ni Pacquiao. Siguro naman hindi pababayaan ni Bob Arum si Pacquiao, at hindi hahayaan ni Bob Arum na madihado si Pacquiao sa usapin ng pera.
Gayon pa man, mas maliliwanagan tayo, at siguro mas makapag-isip ng mas maayos, kung malaman natin kung paano nangyari ang negosasyon, at sino ang kasama ni Manny. Sinadya ba nila, na hindi lang nagpapahalata, na magkaroon ng negosasyon na wala ang abogado ni Manny? Sino ba ang may pakana.
Ang sagot sa mga tanong na ito ay inaasahan ko lang sa iisang tao: si Ronnie Nathanielsz.
Sir, tulungan mo kaming sagutin ang aming mga tanong.